Saturday, December 22, 2018

Tekstong Deskriptibo

Paglalakbay sa Kabataan


Kabataan-- sino nga ba sila? Noon at ngayon, ang laki ng pinagbago. Sila nga ba ang "pag-asa ng bayan?" o sila ba ang tuluyang makakasira nito? Maihahalintulad ang mga kabataan ngayon kagaya ng isang halaman. Kapag dinidiligan mo araw-araw, magiging malusog ang halaman. Parehas lang ng mga kabataan ngayon, kapag ginagabayan ng maayos, talagang maayos din ang ang pananaw nila sa buhay. Pero ano nga ba ang talagang pagkaiba nila noon at ngayon? Nawa'y sabayan ninyo ako sa paglalakbay noon at ngayon. Halika at magsimula na tayo.

Ang mga kabataan noon, kumakaway kapag may dadaang eroplano. Totoo talaga ito, may tunog pa ngang "Weee! Bye bye airplane!" Pangalawa, ginagawang braces ang foil ng Chocnut, alam kong naranasan mo narin ito. Napaka-astig natin noon kasi ginagawa nating yosi ang Stick-O, tama ba ako? At kapag sumasakay tayo, akala natin sinusundan tayo ng buwan, baka kainin tayo ng "Bakunawa." Naging mang-aawit nga tayo noon eh, paaandarin yung bentilador tsaka haharap dito at kakanta. Isa sa mga kinatatakutan natin noon ang sinturon ni tatay, ang monggo at asin na kung saan tayo pinapaluhod kung may ginawa tayong kasalanan, tapos papatungan pa ng libro ang dalawa mong kamay. Hindi ko nga alam kung ilang hanger na ang nasira dahil sa ipinanggamit ito ni inay bilang pamalo at kung walang hanger, may walis tingting at walis tambo na nag-aabang sa iyo sa bahay. Pero bukod pa sa mga kabaliwan natin noon, nagsisipag tayong mag-aral, may respeto sa nakakatanda at higit sa lahat ang pagiging konserbatibo. Ngayon, napakalaki ang pinagbago. Kalat na ang teknolohiya hindi lang sa bansa, kung hindi sa buong mundo dahilan ng pagkawala ng paggalang sa mga kabataan sa matatanda. Araw-araw gumagawa sila ng mga pahamak para sa kanilang buhay, nag-aaway sa social media, pinag-aagawan ang isang lalaki, maagang nabubuntis, maraming fake news  at iba pa.

Puro mga kalokohan ang ipinapakita sa mga telebisyon at maging sa mga pahayagan. Laganap na rin ang bullying, paninira, at ang pang-eenganyo sa pandaraya, na hindi o madalas mo lang makikita noon. Palibhasa kasi karamihan ng mga nasa pelikula ngayon ay nakaka-apekto sa mga nanonood, lalo na ang mga kabataan. Kulang na kulang ang gabay ng mga magulang sa mga pinapanood ng kabataan. Hindi na rin marunong makuntento ang mga kabataan ngayon, gusto nila lahat ng bagay dapat nasa kanila, at hindi marunong maghintay sa tamang panahon, o impatient ika nga. Kaya mo bang maging kakaiba sa mundong puno ng kapareha?

Hindi biro ang isyung bullying, isa ang bullying sa laganap sa mundo ngayon. Kung wala kang ebidensiya ay siguradong hindi ito pagtutuunan ng pansin ng madla. Alam nating lahat na sa tahanan nagsisimula ang lahat, sa bahay nagsisimula ang respeto at kung paano pinalaki ng magulang ang bata ay magreresulta sa katangian niya paglaki niya. Kaya nagaganap ang bullying dahil hindi pinalaki ng maayos ng mga magulang ang kanilang anak. 

Lagi nating pagatandaan ang katagang ito, "Huwag mo gawin sa iba kung ayaw mong gawin nila ito sayo." Tratuhin natin ang ating kapwa bilang tao at hindi isang bagay. Kung tayo man talaga ang pag-asa ng bayan, patunayan natin na talagang tayo ang pag-asa at ang pagiging Pilipino ay hindi lang bilang isang mamayan sa Pilipinas kung hindi isang makatao, makabayan, isang marangal at isang magandang ehemplo sa kapwa kabataan. Marami pa ang natitirang kabataan at darating na kabataan, nawa'y ibalik nila ang mga katangian ng isang kabataan noon, na may galang sa matatanda, may pagmamahal sa kapwa at sa bayan, at higit sa lahat ang may magandang pananaw sa buhay at sa bansa. Ituwid natin ang mga baluktot na katangian ng mga kabataan ngayon, at nang sa ganon ang kabataan parin ang pag-asa ng bayan. Itanim natin sa ating mga utak na "ANG BOSES NG ISA AY BOSES NG LAHAT!" 

Sana'y nagustuhan mo ang ating paglalakbay!



Tekstong Naratibo

Kathryn Chandria Manuel Bernardo, 22

Ang Talambuhay Ni Kathryn Bernardo


           Si Kathryn Chandria Manuel Bernardo o mas kilala bilang "Kathryn Bernardo" sa mundo ng show business ay ipinanganak noong March 16.1996 sa Cabanatuan City. Isa siya sa kinikilalang mga sikat na artista sa henerasyon na ito. Pero bago iyan, kilalanin muna natin siya ng mas mabuti. Ang kaniyang Ina ay si Luzviminda Bernardo at ang tatay naman niya ay si Teodore Bernardo. Meron siyang tatlong kapatid, dalawang ate na sila Chrysler at Kaye Bernardo at kuya na si Kevin Bernardo. Siya ang pinakabunso sa magkakapatid pero hindi ito naging hadlang para mas maipamalas ang kaniyang talento sa murang edad.

          Sa edad na pito nagsimulang pumasok si Kathryn sa mundo ng showbiz sa taong 2003. Una siyang nakita noon sa pagganap niya sa seryeng "It Might Be You" at kalaunan ay lumabas siya sa pinakaunang proyekto na napunta sa kaniya ang pagganap bilang Mara sa "Mara Clara" na nagbigay sa kaniya ng maraming gantimpala. Simula noon ay mas lumawak pa ang mundong showbiz ni Kathryn at mas nabiyayaan pa ng mas maraming proyekto. Kasabay nito ay ang pagtatambal nila ni Daniel Padilla na sinasabing kasintahan niya di umano.

            Kahit sa sobrang abala ni Kathryn sa murang edad ay hindi niya parin napapabayaan ang pag-aaral, dahil sa pagtatapos niya noon sa elementarya ay naparangalan siya bilang "Valedictorian." Isang patunay na hindi lang siya magaling gumanap sa iba't-ibang tauhan sa isang pelikula pero matalino din siya. Sa edad na 22 kasalukuyang nag-aaral si Kathryn Bernardo ngayon sa Enderun Colleges sa Taguig para magtapos sa Degree of Marketing. Sa lahat ng narating ni Kathryn, nanatili parin siyang mapagkumbaba at mabait, kahit siya ay sikat na pero ipinapakita parin niya na isa siyang ordinaryong tao. Gustong-gusto ni Kathryn ang mga librong "The Last Song" at "The Notebook" ni Nicholas Sparks dahil mahilig siyang magbasa ng "romantic books." Gusto rin ni Kathryn ang champorado, sopas, at mga matatamis na pagkain. Ang paboritong kanta ni Kathryn ay ang "Problem" ni Ariana Grande. Gustong malibot ni Kathryn ang Europe at puntahan ang bansang Korea. 


         Sa lahat ng pagsisikap ni Kathryn, nagbunga ang lahat ng ito. Siya ay tinaguriang "The Box Office Queen" dahil sa napakalaking kita ng kanilang tambalan ni Daniel Padilla sa pinilakang-tabing lalo na yung katatapos lang na pelikula nilang pinamagatang "The Hows of Us." Pagkatapos noon ay nabiyayaan ulit si Kathryn ng isa pang proyekto na gumanap bilang anak ni Sharon Cuneta at Richard Gomez sa "Three Words to Forever." Sa lahat ng ito ay hindi siya iniwan at mas sinuportahan pa siya ng kaniyang kasintahang si Daniel Padilla.